Saturday, November 2, 2019

EsP 7 Modyul 8 Ang Dignidad ng Tao


Ang Pantay na Pagkilala
Golden Rule: "Huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin ng iba sa iyo."

Sa pamamagitan nito nakikilala ang karapatan ng bawat indibidwal sa  paggalang ng kanyang kapwa.

Ito rin ay utos ng Diyos na makikita sa Kanyang Banal na Kasulatan, “Mahalin mo ang iyong kapwa katulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.” Ibig sabihin, ang dignidad ng tao ay nagmula sa Diyos, kaya ito ay LIKAS sa tao at tinataglay ng lahat ng tao.

Ngunit hindi pantay-pantay ang lahat ng tao sa kanilang edad, kasanayang pisikal, intelektuwal, moral na kakayahan, mga benepisyo na natatanggap at pagkakabahagi ng yaman. Dahil dito, ang nais ng Diyos ay yakapin ng tao ang pagbabahagi ng mga biyaya at regalo na natanggap ng bawat tao mula sa Kaniya.

Ang pagkakapantay-pantay ng tao ay nakatuon sa kaniyang DIGNIDAD bilang tao at ang karapatan na dumadaloy mula rito.

 

Ano ang dignidad?

·         Ito ay nagmula sa Latin na dignitas na ang ibig sabihin ay “karapat-dapat.”
·     Ang dignidad ay nangangahulugang pagiging karapat-dapat ng tao sa pagpapahalaga at paggalang mula sa kaniyang kapwa.

Lahat ng tao, anuman ang kanyang gulang, anyo, antas ng kalinangan at kakayahan ay may dignidad. Kung kaya wala itong pinipili at hindi rin ito para sa iilan lamang. Ayon kay Papa Juan Pablo II para sa mga magsasaka at manggagawang Pilipino,

“May karapatan kayong mamuhay at pakitunguhan kayo nang naaayon sa inyong dangal bilang tao; at kasabay nito, may karampatang tungkulin din kayo na makitungo sa kapwa sa ganitong paraan.”

Dahil sa dignidad, kailangan tuparin ng tao ang kanyang tungkulin na ituring ang kanyang kapwa bilang natatanging anak ng Diyos na may dignidad.


Mga Obligasyong Nakabatay sa Dignidad ng Tao ayon kay Prof. Patrick Lee:
1.      Igalang ang sariling buhay at buhay ng kapwa
2.      Isaalang-alang ang kapakanan ng kapwa bago kumilos.
3.      Pakitunguhan ang kapwa ayon sa iyong nais na gawin nilang pakikitungo sa iyo.


Mga Paraan ng Pagkilala at Pagpapahalaga sa Dignidad ng Tao
1.      Pahalagahan mo ang tao bilang tao.
Igalang at ituring mo ang tao bilang may dangal at hindi isang kasangkapan na nagtataglay ng kapakinabangan. Wala man siyang tinapos na kurso, siya man ay bata o matanda o may espesyal na kondisyon, ay nararapat na igalang.

2.      Ang paggalang at pagpapahalaga sa dignidad ng tao ay ibinibigay hangga’t siya ay nabubuhay.
Isaalang-alang ang makabubuti para sa iyong kapwa. Halimbawa, ang pagmamahal ng anak sa magulang ay dapat walang pasubali o walang hinihintay na kapalit.


TANDAAN: Ang tao ang pinakabukod-tangi sa lahat ng nilikha ng Diyos dahil sa taglay niyang isip at kilos-loob. Nakatatanggap tayo ng labis-labis na biyaya, pagmamahal at pagpapahalaga mula sa Kanya. Kung minsan bulag tayo sa katotohanang ito  kung kaya nakakaramdam tayo ng kakulangan at pagka-inggit sa iba. Ang lahat ng mataryal na bagay ay sa lupa lamang, hindi natin dapat na inuubos ang ating panahon at pagod sa mga bagay na ito. Ang halaga ng tao ay hindi sa anumang “mayroon” siya kundi sa kung “ano” siya bilang tao. Kung ito ay naiintidihan ng lahat ng tao siguradong mapapanatili nito ang mataas na antas ng dignidad ng bawat tao sa anumang uri ng lipunan. Kailangan mo ang tulong mula sa iyong sarili, sa iyong kapwa at sa Diyos upang maisagawa ito. May dignidad ang lahat ng tao.


Ito ay mula sa aklat ng Edukasyon sa Pagpapakatao 7 Kagamitan ng Mag-aaral ng Kagawaran ng Edukasyon, Republika ng Pilipinas sa pahina 155-157.